Miss Calapan 2012 Carissa Pauline T. Laudencia kinilala sa gabi ng koronasyon
Aldred Gatchalian ng ABS-CBN, hinarana ang mga kandidata
Aldred Gatchalian ng ABS-CBN, hinarana ang mga kandidata
Sa taunang Miss Calapan Popularity Contest na bahagi rin ng taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Patrong Sto. Niño, kinilala noong ika-30 ng Disyembre ang bagong Miss Calapan City para sa taong 2012 na si Bb. Carissa Pauline T. Laudencia ng Brgy. Pachoca.
Si Laudencia ay kaisa-isahang anak na babae nina G. Romualdo B. Laudencia at Teresita Tan-Laudencia. Sa edad na 17, si Cariss o Mat-mat
ay kasalukuyang 2nd year student sa kursong Civil Engineering sa Divine Word College of Calapan (DWCC). Unang nasilayan ng publiko ang ganda at talino ni Bb. Laudencia sa naganap na Miss Calapan City Candidates’ Motorcade and Presentation noong ika-4 ng Disyembre sa city p roper at sa Session Hall ng Sangguniang Panlungsod, Barangay Guinobatan. Sa presentasyon at koronasyon, naging kapansin-pansin ang kakaibang charm ni Cariss na dahilan upang mabighani sa kaniya ang kaniyang mga kababayan.
Kasama ni Laudencia na pinarangalan noong Coronation Night ang kanyang 1st Princess na si Bb. Krystal Gem J. Cabral ng Brgy. Bayanan II at ang kaniyang 2nd Princess na si Bb. Eliza Marie A. Ramirez ng Brgy. Malamig.
Si Cabral na kilala sa palayaw na Talah ay mula sa Brgy. Bayanan II at anak nina G. Hernando E. Cabral at Gng. Beatriz Jocson-Cabral. Si Talah ay isang 4th Year High School student sa Jose J. Leido Jr., Memorial National High School sa Lungsod ng Calapan at edad 16. Hinangaan si Cabral dahil sa kaniyang talino na ipinamalas niya sa pagsagot ng mga tanong noong naganap na Miss Calapan City Candidates’ Presentation. Ito ang dahilan kung bakit siya ang napili bilang Darling of the Press. Iginawad sa kaniya ang parangal kasama ang sash at isang gift pack mula sa Palmolive sa pamamagitan ni Bb. Kim Catibog noong gabi ng koronasyon.
Ang 2nd Princess naman na si Bb. Eliza Marie A. Ramirez ng Brgy. Malamig ay supling nina G. Edgardo C. Ramirez at Gng. Elenita Agillon-Ramirez. Si Eliza o Izza ay 15 taong gulang at nasa ikatlong taon niya sa DWCC High School Department. Isa sa mga kapansin-pansin naman na katangian ni Izza ang kaniya tangkad na 5’5” sa murang edad. Ito ang isang dahilan kung bakit nais niyang maging isang flight stewardess balang araw.
Sa gabi ng koronasyon, pinuri ni Miss Calapan City Committee Chairperson Rona E. Leachon ang mga kandidata at lubos na pinasalamatan ang kanilang mga magulang dahil sa kanilang aktibong pagsuporta sa programa na nagdulot ng tagumpay nito.
Pinarangalan din ng gabing iyon ang mga magulang ng mga kandidata na lubos na sumuporta sa kanilang mga anak upang mapagtagumpayan ang kompetisyon. Tumanggap sila ng Plaques of Recognition mula sa pamunuan ng Calapan City Fiesta Executive Committee at Miss Calapan City 2012 Committee.
Ipinadama naman ni Fiesta Executive Committee Chairman at Vice-Mayor Jojo S. Perez ang kaniyang lubos na kagalakan dahil sa mainit at masiglang partisipasyon ng mga Calapeño at mga bisita ng lungsod sa naganap na fiesta activities. Muli din niyang ipinaalala sa mga manunuod ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan na pangunahing itinataguyod ng Green Calapan Program na kaniyang pinangungunahan.
Hindi naman nagpahuli si City Mayor Doy C. Leachon sa pagbibigay ng kaniyang mensahe. Bukod sa patuloy niyang paghimok sa mga kababayan na suportahan ang selebrasyon ng Calapan City Fiesta, hinikayat din niya ang lahat na patuloy na makiisa sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa ilalim ng Ang Bagong Calapan People’s Agenda. Aniya, ang ikauunlad ng lungsod ay nakasalalay hindi lamang sa pamahalaan ngunit maging sa pagtutulungan ng bawat isang Calapeño.
Lalo namang naging masaya ang gabi ng koronasyon nang magtilian ang mga manunuod nang lumabas ang natatanging panauhin ng gabi na si Aldred Gatchalian, isang sikat na artista ng ABS-CBN. Hinarana ni Gatchalian ang mga Miss Calapan candidates at mga manunuod maging si 2011 Miss Calapan City Patricia Colleen Chua.
Kasama ni Gng. Leachon sa Miss Calapan Committee 2011-2012 sina co-chairperson Marilyn E. Manigbas at mga miyembro na sina Kon. Joey C. Leynes, Kon. Peter Cabailo, Kon. Asel Agua, Arch. Elmer C. Villas, City Information Officer Marvie D. Mañibo, Ms. Sol Luna at ang director-choreographer na si Bb. Rhodora Barojabo.
Sa taunang pagkilala sa mga natatanging binibini ng lungsod sa pamamagitan ng Miss Calapan City Popularity Contest, inaasahang higit na makapagdadagdag ito ng inspirasyon sa mga kabataan ng syudad upang pagbutihin ang kanilang mga sarili at maging mga kapaki-pakinabang na mamamayan ng Calapan.
No comments:
Post a Comment